Saan nga ba nagmula ang Pambansang Awit ng Pilipinas (Lupang Hinirang)?
Taong 1898(panahon ng himagsikan), sumibol ang hangarin ng mga Pilipino sa pamumuno ni Heneral Emilio Aguinaldo na magkaroon ng pambansang sagisag. Ito ay upang magkaroon ng pagkakaisa ang mga Pilipino laban sa mga kaaway.
Hinirang ng Heneral ang isang piyanista at kompositor na kilala sa tawag na Julian Felipe noong ika-5 ng Hunyo 1898. Si Julian Felipe ay naninirahan sa Cavite na siyang naatasang umakda ng isang martsa para sa mga maghihimagsik. Makalipas ang anim na araw, (ika-11 ng Hunyo) ipinarinig niya ang kanyang nabuong komposisyon sa Heneral at sa mga tenyente nito. Ang komposisyong iyon ay pinamagatan niyang "Marcha Filipino Magdalo" na pinagtibay rin niya hanggang sa tinawag itong "Marcha Nacional Filipina" na ang ibig sabihin ay Pambansang Martsa ng Pilipinas.
Matapos malikha ang komposisyon, ipinahayag ni Heneral Aguinaldo sa balkonahe ng kanyang tahanan sa Kawit, Cavite ang pagiging Republika ng Bansang Pilipinas. Kasabay nito, tinugtog sa unang pagkakataon ang nakaaantig damdaming himig ng Marcha Nacional. Ang Marcha ay tinugtog ng banda ng San Francisco de Malabon na mas kilala ngayong "Heneral Trias". Sa araw ding iyon, unang iwinagayway ang pambansang watawat ng Pilipinas.
Ang titik ng Pambansang Awit ng Pilipinas ay sinulat ni Jose Palma, isang 23 taong gulang na kawal. Sumulat siya ng tula na pinamagatang Pilipinas na iniakma sa komposisyon ni Julian Felipe. Ang liriko ng tulang iyon ay naisulat sa Espanyol. Taong 1920, ang orihinal na lirikang Espanyol ni Jose Palma ay isinalin sa Ingles at tagalog ni Camilo Osias at M.A. Lane.
Noong 1956, pinagtibay ang isang bagong bersyon na iniakda ng Surian ng Wikang Pambansa. Ito ang opisyal na lirikang Filipino na inaawit sa buong bansa.
No comments:
Post a Comment