--> Mga Uri ng Tayutay - NON-STOP TEACHING
Home Filipino

Mga Uri ng Tayutay

Mga Uri ng Tayutay


ANO ANG TAYUTAY?


Ang Tayutay ay isang salita o grupo ng mga salita na kadalasang ginagamit upang maipahayag ang isang emosyon sa paraang hindi karaniwan upang makabuo ng mas malalim na kahulugan. Ito ay hindi literal kundi isang patalinghaga na minsa'y ginagamit bilang simbolo.

MGA URI NG TAYUTAY

1) ALITERASYON (Alliteration) - Pag-uulit ng mga tunog-katinig sa inisyal na bahagi ng salita.
Halimbawa: 
a. Makikita sa mga mata ni Maria ang mga masasayang nangyari sa kaniya kasama si Marco. (makikita, mga, mata, Maria, masasayang, Marco)

2) KONSONANS - Pag-uulit ng mga tunog-katinig sa final na bahagi ng salita.
Halimbawa: 
a. Ang aking pagmamahal para kay Rosal ay lalong tumatatag habang tumatagal. (pagmamahal, Rosal, tumatagal)

3) ASONANS - Pag-uulit ng mga tunog-patinig sa alinmang bahagi ng salita.
Halimbawa: 
a. Ang aking alagang aso ay agad kong pinaliguan pagdating ko sa amin.

4) ANAPORA - Pag-uulit sa unang bahagi ng pahayag o taludtod.
Halimbawa:
Ikaw ang aking pangarap.
Ikaw ang bigay ng maykapal.
Ikaw ang lahat sa akin.

5) EPIPORA - Pag-uulit sa huling bahagi ng pahayag o taludtod.
Halimbawa:
Ang Konstitusyon ay para sa mamamayan,
Gawa ng mamamayan,
At mula sa mamamayan.

6) ANADIPLOSIS - Pag-uulit sa una at huling bahagi ng pahayag o talutod.
Halimbawa:
Ang mahal ko ay tanging ikaw,
Ikaw na nagbigay ng ilaw,
Ilaw sa gabi na kay dilim,
Dilim man o liwanag, ikaw ay mahal pa rin.

7) PAGTUTULAD (Simile) - Isang di-tuwirang paghahambing ng dalawang magkaibang bagay gamit ang pariralang tulad ng, kawangis ng, para ng, gaya ng, makasing, at magkasim.
Halimbawa: 
a. Parang hari si Tonio kung mag-utos.

8) PAGWAWANGIS (Metaphor) - Isang tuwirang paghahambing ng magkaibang bagay at hindi gumagamit ng mga pariralang nabanggit sa itaas.
Halimbawa: 
a. Ang kanyang buhay ay isang bukas na aklat.

9) PAGHAHALINTULAD (Analogy) - Ito ay paghahambing na nagpapakita ng ugnayan ng kaisipan sa kapwa kaisipan.
Halimbawa: 
a. Ang mga dalaga ay bulaklak at ang mga binata naman ay bubuyog.

10) PAGBIBIGAY - KATAUHAN (Personification) - Ginagamit ito upang bigyang-buhay ang mga bagay na walang buhay sa pamamagitan ng pagkakapit sa mga ito ng mga gawi o kilos ng tao.
Halimbawa: 
a. Ang mga bituin sa langit ay kumikindat sa akin.

11) PAGMAMALABIS (Hyperbole) - Lagpas sa katotohanan o eksaherado ang mga pahayag kung pagkasusuriin.
Halimbawa: 
a. Narinig ng buong mundo ang iyong sigaw.
b. Huminto ang pagtibok ng aking puso nang makita kong may kasama siyang iba.

12) PAGPAPALIT-TAWAG (Metonymy) - Ito ang pagpapalit ng katawagan o pangalan sa bagay na tinutukoy.
Halimbawa: 
a. Ang palasyo ay nag-anunsyo na walang pasok bukas. (palasyo - Presidente ng Pilipinas)

13) PAGPAPALIT-SAKLAW (Synecdoche) - Ito ay ang pagbabanggit ng bahagi bilang pagtukoy sa kabuuan.
Halimbawa: 
a. Apat na mata ang patuloy na tumititig sa kanya.

14) PAGLUMANAY (Euphemism) - Ito ay paggamit ng mga piling salita upang pagandahin ang isang dikagandahang pahayag.
Halimbawa: 
a. Sumakabilang buhay kagabi ang ama ni Nena. (sumakabilang buhay - namatay)

15) PANAWAGAN (Apostrophe) - Ito ay isang panawagan o pakiusap sa isang bagay na tila ito ay isang tao.
Halimbawa: 
a. O tukso! Layuan mo ako!
b. Buhos na ulan, aking mundo’y lunuring tuluyan.
c. Kamatayan nasaan ka na? Wakasan mo na ang aking kapighatian.

16) PAGHIHIMIG (Onomatopeia) - Sa pamamagitan ng tunog o himig ng salita ay nagagawang maihatid ang kahulugan nito.
Halimbawa: 
a. Dumagundong ang malakas na kulog na sinundan ng pagguhit ng matatalim na kidlat.
b. Ang tik-tak ng relo ay nangibabaw.

17) PAG-UYAM (Irony) - Isang pagpapahayag na may layuning mangutya ngunit itinatago sa paraang waring nagbibigay-puri.
Halimbawa: 
a.Siya ay may magandang mukha na kung saan tanging ina niya lang ang humahanga.

18) PAGTATAMBIS (Oxymoron) - Ito ay ang paglalahad ng mga bagay na magkasalungat upang higit na mapatingkad ang bisa ng pagpapahayag.
Halimbawa:
a. Kailan nagiging tama ang mali?

19) PAGLILIPAT-WIKA (Transferred Epithet) - Katulad ng pagbibigay-katauhan na pinagsasabay ang mga katangiang pantao na ginagamit ang pang-uri.
Halimbawa:
a. Madilim ang kinabukasan para sa kaniya at kaniyang pamilya mula nang iwanan sila ng kanilang ama.

20) TANONG RETORIKAL (Rhetorical Question) - Ito ay isang tanong na walang inaasahan sagot na ang layunin ay maikintal sa isipan ng nakikinig ang mensahe.
Halimbawa:
a. Natutulog ba ang Diyos?
b. Bakit napakalupit ng kapalaran?

You may also like:


No comments:

Post a Comment

to Top