--> Ang Dula at ang Iba't Ibang Uri at Elemento Nito - NON-STOP TEACHING
Home Filipino

Ang Dula at ang Iba't Ibang Uri at Elemento Nito

Ang Dula at ang Iba't Ibang Uri at Elemento Nito

Ano ang Dula?

Ang dula ay isang uri ng panitikan na nahahati sa ilang yugto na may maraming tagpo. Pinakalayunin nitong itanghal ang mga tagpo sa isang tanghalan o entablado. Ang tagpo sa dula ay ang paglabas-masok sa tanghalan ng mga tauhan. 
Madalas na ang mga unang pumapasok sa ating isipan kapag naririnig ang salitang Dula ay ang entablado at mga aktor na umaarte rito. Ito ay nahahati sa ilang yugto at ang bawat yugto’y maraming tagpo.
Ang dula ay mayroon ding sangkap. Ito ay ang simula, gitna at wakas. Ang mga sangkap nitong tagpuan, tauhan at sulyap sa suliranin ay mamamalas na sa simula. Ang saglit na kasiglahan, ang tunggalian, at ang kasukdulan ay matatagpuan sa gitna. Ang kakalasan at ang kalutasan naman ay matatagpuan sa wakas.
Ngunit ang Dula ay hindi lamang sa entablado makikita. Ito ay hango sa diwa ng mimesis o ang panggagagad o panggagaya sa mga nagaganap sa totoong buhay. Ang isang bata na ginagaya ang paraan ng pagkilos at pagsasalita ng isang matanda ay matatawag nang pagsasadula.
Bago pa ang konsepto ng entablado sa Pilipinas, ginagawa na ng mga katutubo ang panggagagad sa pamamagitan ng mga ritwal, sayaw, at awit na may diwa ng iba’t-ibang mahahalagang pangyayari sa buhay ng isang tao o tribo. Sa pamamagitan ng mga Dula, naipapaniwala sa isang lipi ang kultura at naipapasa ang tradisyon sa susunod na saling lahi.

Mga Uri ng Dula

1. Komedya
Katawa-tawa, magaan sa loob dalhin ang tema, at ang mga tauhan ay laging nagtatagumpay sa wakas.
2. Trahedya
Kung ang tema nito’y mabigat o nakasasama ng loob kaya nakakaiyak, nakalulunos ang mga tauhan, karaniwang sila ay nasasadlak sa kamalasan, kabiguan, kawalan, at maging sa kamatayan, kaya nagwawakas na malungkot.
3. Melodrama o Soap Opera
Kung ito’y sadyang namimiga ng luha sa manonood na parang wala ng masayang bahagi sa buhay ng tahanan kundi pawang problema na lamang ang nangyayari sa araw-araw. Ito’y karaniwang mapanonood sa mga de seryeng palabas.
4. Tragikomedya
Kung magkahalo ang katatawanan at kasawian gaya ng mga dula ni Shakespeare na laging may mga tauhang katawa-tawa tulad ng payaso para magsilbing tagapagpatawa, subalit sa huli’y nagiging malungkot na dahil nasasawi o namamatay ang bida o ang mga bida.

Mga Pangunahing Sangkap ng Dula

Ang dula ay mayroon ding tatlong sangkap:
1. Simula - mamamalas dito ang tagpuan, tauhan, at sulyap sa suliranin.
2. Gitna - matatagpuan ang saglit na kasiglahan, ang tunggalian, at ang kasukdulan.
3. Wakas - matatagpuan naman dito ang kakalasan at ang kalutasan

Mga Sangkap ng Dula

1. Tagpuan – panahon at pook kung saan naganap ang mga pangyayaring isinaad
sa dula
2. Tauhan – ang mga kumikilos at nagbibigay-buhay sa dula; sa tauhan umiikot ang mga pangyayari; ang mga tauhan ang bumibigkas ng dayalogo at nagpapadama sa dula
3. Sulyap sa suliranin – bawat dula ay may suliranin, walang dulang walang suliranin; mawawalan ng saysay ang dula kung wala itong suliranin; maaaring mabatid ito sa simula o kalagitnaan ng dula na nagsasadya sa mga pangyayari; maaaring magkaroon ng higit na isang suliranin ang isang dula
4. Saglit na kasiglahan – saglit na paglayo o pagtakas ng mga tauhan sa suliraning nararanasan
5. Tunggalian – ang tunggalian ay maaaring sa pagitan ng mga tauhan, tauhan laban sa kanyang paligid, at tauhan laban sa kanyang sarili; maaaring magkaroon ng higit sa isa o patung-patong na tunggalian ang isang dula
6. Kasukdulan – climax sa Ingles; dito nasusubok ang katatagan ng tauhan; sa sangkap na ito ng dula tunay na pinakamatindi o pinakamabugso ang damdamin o kaya’y sa pinakakasukdulan ang tunggalian
7. Kakalasan – ang unti-unting pagtukoy sa kalutasan sa mga suliranin at pag-ayos sa mga tunggalian
8. Kalutasan – sa sangkap na ito nalulutas, nawawaksi at natatapos ang mga suliranin at tunggalian sa dula; ngunit maaari ring magpakilala ng panibagong mga suliranin at tunggalian sa panig ng mga manonood

Elemento ng Dula

1. Iskrip o nakasulat na dula – ito ang pinakakaluluwa ng isang dula; lahat ng bagay na isinasaalang-alang sa dula ay naaayon sa isang iskrip; walang dula kapag walang iskrip.
2. Gumaganap o aktor – ang mga aktor o gumaganap ang nagsasabuhay sa mga tauhan sa iskrip; sila ang nagbibigkas ng dayalogo; sila ang nagpapakita ng iba’t ibang damdamin; sila ang pinanonood na tauhan sa dula.
3. Tanghalan – anumang pook na pinagpasyahang pagtanghalan ng isang dula ay tinatawag na tanghalan;tanghalan ang tawag sa kalsadang pinagtanghalan ng isang dula, tanghalan ang silid na pinagtanghalan ng mga mag-aaral sa kanilang klase.
4. Tagadirehe o direktor – ang direktor ang nagpapakahulugan sa isang iskrip; siya ang nag-i-interpret sa iskrip mula sa pagpasya sa itsura ng tagpuan, ng damit ng mga tauhan hanggang sa paraan ng pagganap at pagbigkas ng mga tauhan ay dumidipende sa interpretasyon ng direktor sa iskrip.
5. Manonood – hindi maituturing na dula ang isang binansagang pagtanghal kung hindi ito napanood ng ibang tao; hindi ito maituturing na dula sapagkat ang layunin ng dula’y maitanghal; at kapag sinasabing maitanghal dapat mayroong makasaksi o makanood.

Eksena at Tagpo

Ang eksena ay ang paglabas-masok sa tanghalan ng mga tauhan samantalang ang tagpo nama’y ang pagpapalit o ang iba’t ibang tagpuan na pinangyarihan ng mga pangyayari sa dula.

You may also like:


No comments:

Post a Comment

to Top