Ano ang Pabula?
Ang pabula o tinatawag ding kathang isip ay itinuturing na isa sa pinakamatandang anyo ng panitikan. Ito ay karaniwang isinasalaysay o ikinukwento sa mga bata upang mapalawak o mapamulat sa kanila ang magagandang asal. Kahit sa kabila nito, ang pabula ay likha lamang ng guniguni ng isang manunulat. Hindi totoong nangyari at hindi maaring mangyari. Piniling mga tauhan ang mga hayop dahil dito mas lalong maiintindihan o maisasalarawan ang aral na nais maipabatid sa mga bata. Giliw sila at interesado sa mga hayop kaya ito ang mga pangunahing ginagamit na tauhan. Ang pabula ay karaniwang nagwawakas sa isang mabuting aral o salawikain.
Ngunit hindi naman lahat ng pabula ang pangunahing gumaganap ay hayop. Mayroon ding pabula kung saan ang gumaganap ay tao katulad ng “Ang Batang Sumigaw ng Lobo” at “Ang Babaing Maggagatas” o magkahalong hayop at tao na katulad ng “Ang Mabait at Masungit na Buwaya”.
Bakit mga hayop ang pangunahing tauhan sa pabula?
Ang isang dahilan ay ang mga hayop ay may kanya-kanyang likas na katangian na madaling isalarawan upang mas maging malinaw ang paglalahad ng kuwento. Mga katangian na tulad ng pagiging maamo (tupa), mabagsik (lobo), masipag (langgam), tuso (alamid) at marami pang iba.
Sino si Aesop?
Si Aesop ang itinuturing na ama ng ancient fables dahil sa kanyang isinulat na mga pabula na naging bantog sa buong mundo. Si Aesop ay isang Griego (Greek) na namuhay noong panahong 620-560 BC. Siya ay isinilang na kuba at may kapansanan sa pandinig. Siya ay unang lumaki na isang alipin subalit sa kanyang ipinakitang sipag, katapatan, at talino ay pinagkalooban siya ng kalayaan ng kanyang amo at hinayaang maglakbay at makilahok sa mga kilos pambayan. Dito lumabas at nakilala ang kanyang talino at pagiging makatarungan. Siya ay lumikha ng mga pabula upang turuan ang mga tao sa tamang pag-uugali at pakikitungo sa kapwa. Tinataya na siya ay sumulat ng mahigit sa 200 pabula na isinalin sa iba't-ibang wika.
Ano ang kahalagahan ng mga pabula?
Noong unang panahon, nang ang pamumuhay ng mga tao ay simple pa lamang, ang pabula ay ginagamit upang turuan ang mga tao sa tamang pag-uugali at pakikitungo sa kapwa. Sa paglipas nang panahon ang pabula ay ginawang kuwentong pambata na karaniwang isinasalaysay sa mga bata bago sila patulugin ng kanilang mga magulang.
Sa ngayon ang pabula ay muling binabalikan at sumisikat dahil eto ay ginagamit sa ibang paraan upang kapulutang ng mga aral sa makabgong pamamaraan. Halimbawa sa larangan ng kalakalan ang pabula ay ginagamit ng pamunuan ng mga kumpanya upang turuan ang kanilang mga manggagawa sa wasto at karapat-dapat na pakikitungo sa kanilang mga kakalakalan, sa mga kapwa empleyado, at maging sa kanilang mga katunggali sa negosyo.
No comments:
Post a Comment